Dati may bahay kubong nakatayo sa taas ng isang bundok. Maraming hindi makapaniwala na ang bahay na ito ay nakatayo pa rin, bukod sa madalas na pagbagyo sa baryong kinatitirikan nito. Sa tuwing ang bahay kubo na ito ay dinaraanan ng suliranin, oo naapektohan ito ngunit ang pagtayo niya sa bawat pagsubok ay may dangal at tumitibay siya sa bawat pagsubok na dinaraanan niya hanggang sa maging malaking batong mansyon na siya.

Maraming natuwang mga kapitbahay niya sa kanyang pag-asenso at pag-unlad na maging isa sa mga importanteng bahay sa kanilang baryo. Ngunit may isang unos na dumating, at naging masyadong kampante ang Mansyon. Hindi niya alam na ang Unos na ito ay hindi katulad ng mga nakaraang napagdaanan niya. Naging magkaibigan sila hanggang sa isang araw, kasama sa mga napinsala ang Mansyon. Mayroon pang ibang napinsala, ngunit ang Mansyon ang may pinakamalaking pinsala. Hindi niya akalain na sa laki at tibay niya mayroon pa rin palang kayang puminsala sa kanya.

Ngayon ang Mansyon ay nakaraos na sa masaklap na nangyari. Ngunit hindi pa nagtatapos ang lahat. Muling nagtagpo ang landas ng dati niyang matalik na kaibigan. At ngayon, alam na ng Mansyon ang gagawin niya -- hindi na niya pagbubuksan, kahit bitana, ang nagdulot sa kasaklapan sa kanyang buhay.

No comments: